MANILA, Philippines – Puspusang suporta ang ibinigay ng grupong Magdalo sa tandem nina Senador Grace Poe sa pagkapresidente at Senador Antonio Trillanes IV sa pagkabise-presidente sa darating na 2016 eleksyon matapos ang pormal na deklarasyon ng grupo noong Sabado.
“Mahigit walong taon nang magsimulang manilbihan si Senador Trillanes bilang senador, siya ay marami nang naisakatuparan sa pamamagitan ng kanyang mga batas na naipanukala at mga development project na naipatupad.
Naniniwala ang grupo na siya ay mas may sapat ng kakayahan para makapagsilbi at makatulong sa mas marami pa nating mga kababayan sa pamamagitan ng mas mataas na katungkulan,” ayon kay Magdalo Representative Gary Alejano sa taunang convention ng Magdalo.
Dagdag pa ni Alejano, “Nagsagawa rin kami ng malawakang konsultasyon sa aming mga chapter leaders nitong mga nakaraang buwan, at si Senador Grace Poe ang kanilang napiling kandidato para sa 2016 presidential elections. Siya ay simbolo ng pag-asa at pagbabago, at naniniwala kami na may kakayahan siyang isakatuparan ang mga hangarin at prinsipyo ng grupo. Siya at si Senador Trillanes ay magkakaroon ng magandang tambalan sa pagsusulong ng pagbabago at pag-unlad sa ating bansa, dahil na rin sa pagkakatulad ng kanilang mga adbokasiya at plataporma.
Sa nasabing Convention, na siya ring nagsilbing pormal na deklarasyon ni Trillanes sa pagtakbo bilang bise presidente, sinabi ni Trillanes na higit sa sariling desisyon, ang kaniyang kandidatura ay pangkalahatang desisyon ng grupo.
“Ito ay isang magandang pagkakataon para maipresenta muli ang reform agenda ng Magdalo, at iangat ang tatak ng serbisyo nito sa mas mataas na antas,” ani Trillanes.
Naroon din sa nasabing okasyon si Brian Poe Llamanzares, anak ni Sen. Grace Poe, na nagsilbing kinatawan ng mambabatas, at tumanggap sa suportang binibigay ng Magdalo, sa ngalan ng kaniyang ina.
Ipinaabot naman ni Poe, sa isang video, ang pasasalamat nito sa suporta ng grupo at sa kanilang ‘di masusukat na pagsisilbi sa bayan.
Siya ay nakikiisa sa patuloy na laban ng grupo kontra korapsyon at sa pagtulak sa kapanakan ng mas nakararami.
Ang Magdalo ay nagsimula bilang isang grupo ng mga sundalong nagsusulong ng reporma, na naglunsad ng Oakwood Mutiny at Manila Peninsula Siege laban sa rehimeng Arroyo dahil sa laganap na korapsyon sa gobyerno at AFP.
Ngayon, ang grupo ay isa ng socio-political movement na mayroong mahigit-kumulang na 500,000 na miyembro. Sila ay nagsusulong ng reporma sa gobyerno at lipunan sa pamamagitan ng kanilang kakayahan bilang mga opisyal ng gobyerno at mga pribadong indibidwal.