MANILA, Philippines – Bilang dating chairman ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB), iginiit ni Senator Grace Poe na dapat itaas mismo ng gobyerno ang standard sa pangangampanya at iwasan ang panggagamit sa mga babae sa mga rally.
Nakakalungkot aniya ang nangyaring palabas sa pagtitipon ng Liberal Party sa Sta. Cruz, Laguna kung saan ginawang regalo sa birthday party ang tatlong babae na nagsayaw ng sexy sa stage.
Ayon kay Poe, sa lahat ng pagkakataon ay dapat magkaroon ng tamang respeto hindi lamang sa mga babae at lalake kung hindi sa lahat ng tao.
“Alam ninyo po, dati pa lang ako sa MTRCB, ang paggalang sa kababaihan ay mahalaga, hindi para sa ano pa man, lahat naman tayo ay may nanay, may kapatid, siyempre kapag nakikita nating ganoon talagang nalulungkot tayo.
Hindi na lamang natin sasabihin na dahil lamang sa kampanya, sa lahat ng pagkakataon ay dapat talaga ang tamang pag respeto sa lahat ng tao, hindi lamang sa mga lalaki, sa mga babae, sa lahat. Karapatan nating lahat na mabigyan tayo ng tamang paggalang,” ani Poe.
Nang tanungin kung lihis sa Tuwid na Daan na kampanya ng administrasyon at ng Liberal Party ang palabas, sinabi ni Poe na dapat na itaas ang standard ng mga nakaupo sa gobyerno.
Ayon kay Poe, ang mga nasa gobyerno ang nagsisilbing halimbawa ng mga mamamayan lalo ng mga kabataan.
Maaari aniyang isipin na tama ang kahalintulad na palabas kung ang mga nasa gobyerno na ang gumagawa nito.