MANILA, Philippines – Ipinahiwatig kahapon ng Malacañang na walang dahilan upang mismong si Pangulong Benigno Aquino III ang humingi ng public apology sa sinasabing kalaswaang nangyari sa pagtitipon ng Liberal Party sa Sta. Cruz, Laguna kung saan nagdiwang ng kanyang kaarawan si Laguna Rep. Benjie Agarao.
Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, walang kinalaman sa nasabing partikular na ‘performance’ ang Pangulo at hindi rin niya alam na nangyayari ito.
“Oo. Nakita ko ‘yang online petition (ng public apology) na ‘yan at si PNoy mismo ang pinag-a-apologize. You know, at least… Again, can I be allowed to emphasize that that particular event—hindi ‘yung event, ‘yung performance—the President had nothing to do with it. The President had no idea that it was happening.
Agad ring nilinaw ni Valte na hindi papayagan ng Pangulo na ang kahalintulad na pangyayari na magbaba sa dignidad ng mga kababaihan.
“He (Aquino) did not condone it. So, at this point, siguro po importanteng klaruhin po natin ‘yon. Hindi po… The President will never condone, nor will he give approval, to any act that would denigrate our women, that would debase them or would have—would contribute to such an indignity,” ani Valte.
Idinagdag ni Valte na naglabas na naman ng kanya-kanyang pahayag ang mga lider ng Liberal Party katulad ni Senate President Franklin Drilon na hindi umano palalampasin ang nasabing pangyayari.
Naniniwala si Valte na dapat ipaubaya na lamang sa partido ang pagresolba sa nasabing isyu kung saan matinding nabatikos ang LP at nadamay rin ang Pangulo.
Sinabi rin ni Valte na nakarating na sa kaalaman ng Pangulo ang nasabing pangyayari bagaman at hindi niya alam kung ano ang naging reaksiyon nito.