MANILA, Philippines - Tinutugunan din ng Philippine Red Cross ang mga pangangailangan ng mga pamilya ng katutubong Lumad na apektado ng armadong hidwaan sa Liangga, Surigao Del Sur. Ayon sa PRC, nakapaglaan na sila ng 5,000 litro ng water bladder, 10,000 litro ng water collection point at tatlong drum para magsuplay ng tubig sa Oval Sports Complex sa Tandag City at Sitio Hall sa Sitio Janipaan sa Surigao del Sur kung saan nanunuluyan ang mahigit 600 pamilya na apektado ng madugong hidwaan.Nagpamahagi na rin sila ng mga sleeping kits, hygiene kits at kitchen utensils para may magamit ang mga ito. Bukod pa rito, naglagay din ng mga first aid station ang PRC at mga ambulansiya para sa pagbibiyahe ng mga pasyenteng kailangang madala sa ospital. May inilaan ding psychosocial support ang PRC sa pamamagitan ng mga itinayo nitong welfare desks na nakapag-abot na ng psychosocial support sa may mahigit isang libong indibidwal kabilang na ang 147 mga bata. Nabatid na nasa mahigit isang buwan nang nananatili sa mga evacuation center ang libu-libong mga Lumad makaraang salakayin ng isang armadong grupo na pinaniniwalaang paramilitary group ang kanilang komunidad noong nakalipas na Setyembre 1, na naging dahilan sa pagkamatay ng 3 lider ng Lumad.