MANILA, Philippines - Tumaas ang level ng tubig sa lahat ng mga dam sa bansa sa nakalipas na magdamag.
Ito ayon sa PagAsa ay dulot ng mga pag- uulan na dala ng bagyo.
Kahapon ng umaga, umabot sa 190.70 meters ang water level sa Angat dam bunga ng naranasang mga pag- uulan sa Bulacan na kinaroroonan ng naturang dam. Ang Angat dam ang nagsusuplay ng 90 percent ng tubig sa Metro Manila.
Umabot naman sa 17.22 meters ang naitalang water level sa Bustos dam sa Bulacan kayat nabuksan ang kanilang floodgates doon at nagluluwa ng 25 cubic meters per second na tubig.
Umabot naman sa 101.15 meters ang water level ng Ipo dam at kung makaabot sa 101.50 meters ang level ng tubig dito sa susunod na 24 oras ay magpapakawala sila ng tubig dito.
Nasa normal level naman ang La Mesa dam kayat walang dapat ipag- alala ang mga residente na nakatira sa ibaba ng naturang dam o malapit sa Tullahan river sa QC.
Samantala, nanatili sa kanyang lakas ang bagyong Kabayan habang tinatahak nito ang hilagang Luzon.
Ayon kay Benison Estareja weather forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA), alas-11 ng umaga kahapon, ang bagyong Kabayan ay nasa layong 70 kilometro ng hilagang kanluran ng Dagupan City, Pangasinan taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na aabot sa 80 kilometro bawat oras.
Sinabi ni Estajera na si Kabayan ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 22 kilometro bawat oras.
Bunga nito, nakataas ang signal number 2 sa lalawigan ng La Union, Pangasinan habang nakataas naman ang signal number 1 sa mga lalawigan ng Benguet, Tarlac, Ilocos Sur at Zambales.
Ngayon Sabado ng umaga si Kabayan ay nasa 560 kilometro ng kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte o inaasahang nasa labas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).