MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagsusumite kahapon ng formal offer of evidence ng petisyuner na si Rizalito David sa Senate Electoral Tribunal (SET) kaugnay sa isinampang quo warranto case laban kay Sen. Grace Poe, tiwala pa rin ang kampo ng mambabatas na papabor sa kanila ang desisyon ayon sa merito at sa batas.
“We believe that the [SET] will really resolve this case based on the law, based on their conscience, based on their own interpretation of the controversy and the given facts,” ani Atty. George Garcia, isa sa abugado ni Poe.
Kahit aniya nagsalita na si Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio, chairman ng SET, noong oral arguments noong nakalipas na Setyembre 21 na si Poe na isang foundling o napulot ay naturalized citizen, hindi umano hiniling ng kanilang kampo na mag-inhibit ito sa pagresolba sa nasabing kaso dahil naniniwala sila na pag-aaralan at ibabatay sa batas ang desisyon.
Una nang humingi ng pagbibitiw ni Carpio sa kaso ang ilang legal luminaries at mambabatas dahil sa sinabi nito na naturalized born Filipino si Poe, na aniya ay isang prejudgement.
Naniniwala pa rin umano sila sa integridad at independence ni Carpio at walo pang miyembro ng SET na kinabibilangan nina Associate Justices Teresita Leonardo de Castro at Arturo Brion; Senators Bam Aquino, Nancy Binay, Pia Cayetano, Loren Legarda, Tito Sotto at Cynthia Villar.
“Wala pong pinagkaiba ‘yan sa impeachment court. Even if they are senator-judges, they are expected to resolve the case based on the evidence presented,” diin pa ni Garcia.
Tiwala din si Garcia, na hindi na kailangan pang hintayin o irpisinta ang resulta ng DNA test dahil kaya nilang patunayan na natural-born citizen of the Philippines si Poe.
Ang pagsasailalim aniya ni Poe sa DNA test ay hindi lamang para sa beripikasyon para sa kaso kungdi bahagi rin naman ng pagnanais nito tuklasin ang katotohanan para sa kaniyang sarili at mapatunayan kung sino ang kaniyang mga kamag-anak.
Dagdag pa niya: “[DNA testing] is not even required in our case because we can prove natural-born status even without it.”