MANILA, Philippines – Hiniling ni Pangulong Benigno Aquino III sa bawat miyembro ng Liberal Party (LP) na iprayoridad ng mga ito ang pangangampanya sa kanilang standard bearer na si Mar Roxas sa darating na 2016 elections bago ang kanilang sarili.
“Ulitin ko lang, pakiusap sa lahat ng kasamahan kung tayo ay talagang naniniwala sa tuwid na daan, ikampanya natin ‘yung ating lider bago muna ‘yung sarili,” wika pa ni Pangulong Aquino sa kanyang mensahe sa LP convention sa Balay Headquarters sa Cubao, Quezon City.
“Sa darating na kampanya, at ito ay talagang matinding pakiusap, siguro bago ‘yung sarili nating kandidatura ang isipin natin, ang pinakaimportante may Pangulo tayong magpapatuloy ng tuwid na daan,” dagdag pa ng Pangulo.
Pormal nang inanunsyo sa LP convention kahapon na ang kanilang standard bearer sa darating na 2016 elections ay si Mar Roxas sa pamamagitan ng resolution ng National Executive Council.
Magugunita na inendorso ni Pangulong Aquino noong July 31 sa Club Filipino na si Sec. Roxas ang kanyang pambato sa darating na 2016 elections.
“Palagay ko ‘yung darating na kampanya ang magiging pinakamahirap na kampanya para sa akin dahil ibubuhos ko na lahat ng maibubuhos ko tungo sa kampanyang ito,” paliwanag pa ni PNoy.
“In a sense, mahirap dahil talagang pipilitin kong malapitan lahat ng botanteng puwede kong malapitan para imungkahi ang kandidatura ng ating piniling kandidato,” giit pa ni Pangulong Aquino.
Ipinauubaya naman ng LP kay Roxas ang pagpili nito sa kanyang magiging runningmate at 12 senatorial bet na nakatakdang ianunsyo naman sa Oct. 5 sa Club Filipino.