MANILA, Philippines – Naniniwala si Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte na “wipe out” na lahat ang sinumang makakalaban ni Sen. Alan Peter Cayetano sa pagka-bise presidente sa eleksyon sa susunod na taon.
Ayon kay Duterte, si Cayetano ang pinaka-kuwalipikado sa posisyon sa hanay ng mga napapaulat na tatakbong bise presidente.
Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos makipag-meeting kay Cayetano noong Martes kung kailan nagdeklara si Cayetano na tatakbong bise presidente sa mismong balwarte ng mayor.
Nang tanungin kung papaano ikukumpara si Cayetano sa iba pang VP contenders katulad nina Senators Bongbong Marcos, Antonio Trillanes IV, Chiz Escudero at Camarines Sur Rep. Leni Robredo, sinabi ni Duterte na: “Yun lang? Wala na. Tapos na. Wipe out ‘yan sila lahat.”
Sinabi rin ni Duterte na inaasahan na niyang sa Davao City magdedeklara ng kanyang kandidatura si Cayetano.
Napag-usapan din umano ng dalawa ang posibleng tambalan sa eleksiyon sa susunod na taon bagaman at hindi pa siya nakakapag-desisyon.
Pero nagpahayag na si Duterte ng kanyang suporta kay Cayetano na may praktikal na umanong solusyon sa mga problema ng bansa katulad ng kahirapan, mahinang mga imprastruktura at pagpapalakas ng ekonomiya.
Inihayag naman ni Cayetano na napili niyang sa Davao City magdeklara upang iparating ang mensahe na hindi dapat palaging sa NCR nakatuon ang atensiyon ng gobyerno kung hindi sa mga rehiyon din sa labas ng Metro Manila.
Bagaman at ilang beses ng inihayag ni Duterte na hindi siya tatakbong presidente, may mga nagsasabing posibleng matuloy ang tambalan ng dalawa.
Sinabi naman ni Cayetano na ipagpapatuloy niya ang layunin na magkaroon ng totoong pagbabago upang maiangat ang bansa.