MANILA, Philippines – Aprubado na ng House Committee on Transportation ang panukalang batas na mareremedyuhan ang pag-abuso ng airline companies sa mga pasahero na nakakaranas ng delay o kanselasyon ng biyahe.
Sa ilalim ng Passengers Bill of Rights na inihain ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, pinapayagan ang reimbursement ng 75 porsiyento ng pasahe kung magkakansela ang pasahero sa loob ng 24 na oras bago umalis ang eroplano.
Dapat din magbigay ng refreshment ang airlines sa mga pasahero para sa 2 oras na pagkaantala ng flight kabilang ang libreng tawag o internet gayundin ng hotel accomodation para sa cancelled flights.
Nakasaad rin dito ang 20 percent discount para sa senior citizens, Persons With Disability (PWDs) at mga estudyante.
Nanawagan naman si Colmenares sa liderato ng Kamara na ihabol ang pag-apruba sa panukala bago mag-November 1 kung kailan mag-uumpisang dumagsa ang mga pasahero para sa holiday seasons.