MANILA, Philippines – Susuportahan ng Nacionalista Party ang tatlo nilang miyembro na posibleng maglaban-laban sa pagka-bise presidente sa eleksiyon sa susunod na taon.
Ito ang inihayag kahapon ni Senator Cynthia Villar, matapos maghayag kahapon na tatakbo na ring bise presidente si Senator Alan Peter Cayetano.
Bukod kay Cayetano, miyembro rin ng NP si Senator Antonio Trillanes IV na nagdeklara na ring kakandidato sa pagka-bise presidente at si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos na nagpahiwatig na ring magdedeklara sa tamang panahon.
Sinabi ni Villar na tutulungan nila ang tatlong senador sa usapin ng pagbibigay ng pondo pero wala sinuman sa kanila ang itataas pa ang kamay.
“Eh di tutulungan nalang natin silang lahat. How can you choose from these three? Lahat sila ay miyembro namin at tutulungan namin,” pahayag ni Villar.
Inihayag rin ni Villar na kapwa matatapang ang kanilang mga miyembro na katangian umano ng partido.
“Lahat sila matatapang at matitigas ang ulo. Iyan naman talaga ang trait ng party namin,” ani Villar.
Bibigyang laya rin umano ng partido ang kanilang mga miyembro na magpasya kung sino sa tatlong kakandidato sa pagka-bise presidente ang gusto nilang suportahan.