MANILA, Philippines – Hindi pa nakakapagdesisyon si Camarines Sur Rep. Leni Robredo kung tatakbo ito sa pagka Bise Presidente sa 2016 sa kabila ng masugid na panliligaw dito ng mga kaalyado sa Liberal Party (LP).
Ito ay dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin umano pumapayag ang mga anak ni Robredo na tumakbo ito sa nasabing posisyon bagamat kinausap na rin ang mga ito ng mga taga LP upang kumbinsihin.
Paliwanag pa ng kongresista, na mahalaga ang basbas ng kanyang mga anak sa kanyang desisyon dahil hanggang ngayon ay nag-aadjust pa rin umano ang mga ito sa pagkawala ng kanilang ama at kung tatakbo ito sa pagka Bise Presidente ay hindi nito alam kung kakayanin pa ang mga pagsubok na darating sa kanilang pamilya.
Iginiit ni Robredo na kung trabaho lang umano ang pag-uusapan ay madali lang ito at napag-aaralan subalit ang mga intriga na kakaharapin ng kanilang pamilya ang pinangangambahan nito.
Bukod dito hindi rin umano magiging maayos ang pamamahala niya sa bansa kung walang suporta ng kanyang mga anak.
Dahil dito kaya hindi pa umano makakapagdesisyon ang mambabatas ngayong linggong ito kung tatanggapin niya ang alok ng LP na maging running mate ni Mar Roxas sa 2016 presidential elections at humingi pa ng isa pang linggo para makapag-isip ng mabuti bago magdesisyon.
Ngayong araw ay ihahayag sana ng LP sa kanilang convention ang running mate ni Roxas subalit ayon kay LP spokesman at Eastern Samar Rep. Ben Evardone tanging ang mga senatoriables lamang ang iaanunsiyo ng partido.