MANILA, Philippines – Namumurong masampahan ng ikalawang kasong pandarambong ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) si dating Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn dahil sa pagkuha umano ng P60.6-M pondo ng lokal na pamahalaan.
Sa opisyal na pahayag na ipinadala ni VACC president Dante Jimenez, sasampahan nila kasama si VACC chairman Martin Dino at Oscar Lapida Jr., residente ng Puerto Princesa, sa Office of the Ombudsman sina Hagedorn at apat pa nitong opisyal dahil sa pagpapangalan umano sa kanya ng mga tseke para makuha ang nasa P60.6 milyong pondo ng lokal na pamahalaan buhat sa banko. Nangyari umano ito noong 2011 hanggang 2012.
Sinabi ng VACC na nabigo umano sina Hagedorn at mga kasamahan na magkapagpakita ng mga opisyal na resibo, vouchers o mga dokumento na magpapakita ng pinagkagastusan sa sinasabing mga proyekto sa Puerto Princesa City.
May hawak umano ang grupo ng kopya ng 35 mga “returned checks” na nagpapatunay na may naganap na pagwi-withdraw sa mga banko ng P60.6-M halaga.
Meron din umanong ulat buhat sa Commission on Audit para sa 2011-2012 na gagawing basehan din para sa kasong plunder.
Una nang nasampahan ng hiwalay na kasong plunder si Hagedorn sa Ombudsman nitong Abril 7 dahil sa pag-withdraw naman ng P65.7 milyong halaga ng pondo sa banko bilang alkalde noong 2007-2010.
Itinanggi naman ito ni Hagedorn at sinabing may mga tunay na proyekto na pinagkagastusan sa pondo ng pamahalaan.
Kabilang din sa mga namumurong kasuhan ay sina Atty. Agustin Rocamora, dating city administrator; Ruben Francisco dating budget officer, Nanette Dario dating accountant at Armando Abrea dating treasurer ng Puerto Princesa City.