MANILA, Philippines – Posibleng dalawang buwan ang itagal sa pagsasara ng Ayala Bridge.
Ito ang nabatid kahapon kina MMDA chairman Francis Tolentino at Engr. Ricardo de Vera ng DPWH matapos na personal na inspeksiyunin ang nasabing tulay na isinara nang walang abiso.
Inamin ng dalawa na maging sila ay nagulat sa pagsasara ng tulay kaya’t minabuti nilang kausapin ang French consultants ng private contractor na Frey-Fil at EEI Joint Venture.
Ayon kay Tolentino posibleng Disyembre pa matatapos ang rehabilitasyon ng tulay. Humingi naman aniya ng paumanhin ang panig ng kontratista.
Subalit ayon kay Tolentino, kailangang mabuksan ang tulay bago ang APEC sa Nobyembre at kung may mga kailangan pang kumpunihin sa ilalim ng tulay, kailangang itigil ito habang may APEC summit dahil sa usaping pangseguridad.
Sa Huwebes, kailangan buksan kahit isang lane lang ng tulay. Pipilitin naman umano ito ng contractor ng proyekto.
Itinanggi naman ni Ana Encarnacion, tagapagsalita ng Frey-Fil at EEI Joint Venture. ang balitang may gumuho o nasirang bahagi sa gitna ng tulay kaya nila ito isinara.
Kailangan daw munang isara ang tulay para sa post-tensioning at paglalagay ng damper.
Naglabas naman ang MMDA ng alternatibong ruta sa mga southbound kung saan maaaring dumaan sa Nagtahan bridge o McArthur bridge, habang ang mga northbound ay puwedeng dumaan sa Quezon bridge at Jones bridge.