MANILA, Philippines – Tiniyak ni Presidential Assistant on Food Security Sec. Francis “Kiko” Pangilinan na naghahanda na ang pamahalaan upang malabanan ang posibleng malalang epekto ng El Niño phenomenon sa sektor ng agrikultura sa bansa.?
Ayon kay Pangilinan, nagtatrabaho ang pamahalaan upang hindi na maulit ang naranasang naganap na El Niño crisis noong taong 1997 hanggang 1998 kung saan 25 porsyento ng mga pananim ang nasira. Aniya, mas handa ngayon ang gobyerno upang tulungan ang mga magsasaka sa pagharap sa El Niño. Anumang oras ay handa ang cloud-seeding program ng pamahalaan,paggamit ng Doppler radars, at libreng pamamahagi sa mga magsasaka ng ?rice varieties na hindi nangangailangan ng maraming tubig sa pagtatanim upang lumaki, gayundin ang pagkakaloob ng alternatibong mapagkakakitaan ng mga magsasaka sa panahon ng rehabilitasyon sa mga irrigation canals.?
Bago pa man tumama ang El Niño sa bansa ay namigay na ang National Irrigation Administration (NIA) ng 402 irrigation projects sa mga organisadong irrigators sa buong bansa, kabilang ang 166 National Irrigation Systems (NIS) at 236 Communal Irrigation Systems (CIS),paggawa ng dams, main at sub-lateral canals, canal structures at drainage facilities.?
Magkatulong ang NIS at CIS sa pagpapatubig sa kabuuang 124,633.54 hektaryang bukirin na pakikinabangan ng 48,234 na magsasaka at aabot sa P3.5 bilyon ang halaga ng mga proyekto.?
Sinabi naman ni NIA Administrator Florencio Padernal na si Pangilinan ang nagsusumikap upang makumpleto ng maaga ang mga irrigation projects? para matiyak na lalaki ang produksyon ng palay bago pa man tumama ang El Niño sa bansa.?
Sa ngayon, ani Padernal ay may anim na malaking irrigation projects na nagkakahalaga ng P30 bilyon ang inaprubahan ng NEDA at ito ay ang Balog Balog High Dam Project, Jalaur Multipurpose Dam Project, Umayam River Irrigation System Project, Agno River Irrigation Project, Casecnan Irrigation Project, at ang Malinao Irrigation Project.