MANILA, Philippines – Muling pinaalalahanan ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz ang mga overseas Filipino worker (OFW), partikular ang mga nasa Middle East, na patuloy na sundin ang mga pamamaraan upang labanan ang pagkalat ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus (MERS - CoV) dahil sa mga ulat na may mga kaso pa rin ng MERS-CoV sa iba’t ibang parte ng Saudi Arabia.
Ang paalala ni Baldoz ay bunsod na rin ng bagong kaso ng MERS-CoV sa Saudi Arabia at karamihan sa mga kasong ito ay nasa Riyadh ayon sa Ministry of Health ng KSA.
Ayon kay Baldoz, naglabas sila ng advisory na nagsasaad ng mga pamamaraan upang protektahan ang mga OFW laban sa MERS-CoV. Kabilang na ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon o gumamit ng alcohol bago at matapos kumain; bago at matapos humawak, magluto at ihanda ang pagkain; matapos umubo, bumahing at gumamit ng banyo; at bago at matapos humawak ng hayop.
Sa mga pauwing OFW na manggagaling mula sa mga bansang apektado ng MERS-CoV, kailangan nilang bantayan ang kanilang kalusugan sa loob ng 14 na araw. Kung sila ay nagkaroon ng sintomas (lagnat, sakit ng ulo, panghihina ng katawan, ubo, hirap huminga, hindi maipaliwanag na pasa o pagdurugo, grabeng pagtatae) kinakailangang takpan nila ang kanilang bibig at ilong ng tela, panyo, o surgical mask upang maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.
Hinihiling din ng POEA sa mga licensed recruitment agency na magbigay ng special briefing sa mga health worker na kanilang ipinadadala sa Middle East upang makaiwas ang mga ito sa sakit na MERS-CoV at bantayan ang kanilang lagay mula sa kani-kanilang lugar na pinagtatrabahuhan.