MANILA, Philippines – Inialok ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang kaniyang sarili sa mga kidnapper kapalit ng kalayaan ng tatlong banyaga at isang Pinay na dinukot ng mga armadong grupo noong Lunes ng gabi sa Island Garden City of Samal sa Davao del Norte.
Sa isang television interview, sinabi ni Duterte na handa siyang sumama sa mga kidnapper sa bundok at siya na lang ang bihagin basta’t masirugo lamang ang kaligtasan at pagpapalaya sa mga hostages.
Kabilang sa mga ito ay sina Norwegian national Kjartan Sekkingstad, 56, Manager ng Holiday Oceanview Resort mga Canadian na sina John Ridsdel, 68 at Robert Hall, 50 gayundin ang Pinay na si Maritess Flor.
Ang mga bihag ay dinukot ng mga armadong suspek na lulan ng dalawang pumpboats noong Lunes ng gabi matapos salakayin ang nasabing resort na pag-aari ng Norwegian sa Island Garden city of Samal .
“I will offer myself as a hostage. If they would release I’d like to join them in the forest,” ani Duterte na sinabi pang gumagawa na siya ng hakbang para kausapin ang mga kidnappers na palayain ang mga bihag.
Nilinaw ni Duterte na hindi niya hurisdiksyon ang Davao del Norte at sa kasalukuyan ay hinahayaan niya ang lokal na pamahalaan nito, ang pulisya saka militar na resolbahin ang kaso ng kidnapping ng mga biktima.
Nabatid na si Duterte ay kasalukuyang Chairman ng Regional Peace and Order Council sa rehiyon ng Davao.
Samantalang naghihinala rin si Duterte na mga propesyunal ang mga kidnapper , dahilan tantiyado ang kilos ng mga ito at posibleng nasangkot na sa mga nakalipas na insidente ng kidnapping.