MANILA, Philippines – Matapos maaresto sa Thailand, tuloy kalaboso na ang magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes, kapwa akusado sa pagpatay sa environmentalist na si Doc Gerry Ortega.
Pasado alas-3 ng madaling araw kahapon nang dumating sa NAIA Terminal 2 lulan ng Philippine Airlines (PAL) flight 733 ang magkapatid na Reyes.
Agad pinosasan ang dalawa pagbaba ng eroplano.
Bago ito, nagbayad muna kahapon ng multa sa Thailand ang magkapatid para sa kaso nilang overstaying at saka inilipat sa Immigration Detention Center.
Mismong mga miyembro ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang sumundo sa mga Reyes sa Immigration Detention Center ng Thailand bago isinakay sa eroplano.
Agad isinilbi sa mga ito ang warrant of arrest saka idineretso sa PNP Headquarters kung saan isinailalim sila sa booking process tulad ng mugshot, medical examination at finger printing. Hirit sana ng kampo ng mga Reyes na isailalim ang dalawa sa executive medical check up sa isang pagamutan dito sa Metro Manila pero hindi sila napagbigyan.
Bandang alas-10 ng umaga ng muli silang dalhin sa airport at inilipad patungo sa Puerto Princesa City, Palawan.
“On behalf of the national leadership I wish to extend the commendation of the President and the PNP under Director General Ricardo Marquez for the landmark accomplishment to catch up with fugitives in justice,” ani DILG Sec. Mel Sarmiento.
Sinabi naman ni PNP Chief Gen. Ricardo Marquez na ituturnover na nila sa korte ng Palawan ang Reyes brothers at bahala na itong mag-isyu ng commitment order kung saan ididitine ang mga nasakoteng big time fugitives.
Tatlong taon ding nagtago ang magkapatid na Reyes na tumakas sa bansa noong Marso 2012 matapos ilabas ang warrant of arrest laban sa mga ito sa kasong murder.