MANILA, Philippines - Ibinasura ng korte ang kahilingan ng akusadong si Samuel Co na huwag tanggapin ang motion for reconsideration at leave of court to admit additional evidence na isinampa ng prosekyusyon kaugnay sa kinakaharap na syndicated estafa.
Sa inilabas na desisyon ni Judge Buenaventura Albert J. Tenorio Jr., ng Manila regional Trial Court (RTC) Branch 14, nakasaad na nananatiling malakas ang ebidensya laban kay Samuel Co subalit hindi sa isa pang akusadong si Priscilla Co.
Ang mosyon ay isinampa ni Co dahil sa mga sumusunod na dahilan; ang umano’y aksyon at sinabi ni Samuel Co ay hindi sapat na dahilan para mahikayat si Fabian Tapayan na mag-invest sa Aman; ang akusasyon umano ni Tapayan sa kanyang affidavit ay malinaw na nagsasaad na pumunta siya ng kusa sa bahay ng mag-asawang Co na buo na ang desisyong mag-invest sa Aman, direkta umanong nakipagtransaksyon si Tapayan sa isa pang akusadong si Ian Madarang at walang ginawang pambobola o panghihikayat ang akusadong si Co.
Hindi umano nakipagsabwatan si Co sa sinumang ahente at opisyales ng Aman, hindi rin umano ito nag-advertise sa media hinggil sa Aman sa halip ay pinaalalahanan pa ang publiko na mag-ingat sa pakikipagtransaksyon sa Aman, ang alegasyon umano ni Tapayan hinggil sa press conference na ipinatawag noong Oktubre 2012 ay walang katotohanan, ang mga text messages umano ng akusadong si Madarang ay nagpapawang-sala sa akusadong si Co at wala rin umano ang bigat na documentary evidence na iniharap ng prosekusyon.
Pinanindigan naman ng korte na matibay ang evidence of guilty laban kay Co na sapat na basehan para ibasura ang mosyon na hinihirit nito.