Pinoy na nadamay, inaalam na ng DFA
MANILA, Philippines - Kumikilos na ang pamahalaan upang tulungan ang mga Pinoy na posibleng biktima ng stampede sa Saudi Arabia kung saan umaabot sa mahigit 300 pilgrims o deboto ang patay habang mahigit 400 katao ang sugatan sa kasagsagan ng Hajj sa may Islamic holy city ng Mecca kahapon.
Sa report ng Saudi Arabia Civil Defense Ministry, nasa 310 katao ang kumpirmadong nasawi nang magkagulo ang mga pilgrims at magka-stampede sa may Mina, ang tent city na may 5 kilometro o 3 milya ang layo mula sa Mecca.
Habang sinusulat ang ulat na ito, patuloy ang rescue operations ng Saudi authorities para sa mga biktima ng stampede.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Embahada at Konsulado ng Pilipinas sa Saudi sa mga awtoridad sa Saudi upang malaman kung may mga Pinoy na kabilang sa mga biktima ng stampede.
Taun-taon ay dumarayo ang mga Pinoy pilgrims sa nasabing lugar upang magdasal at makiisa sa Eid al-Adha.
Ang stampede ay naganap sa unang araw ng Eid al-Adha o Feast of the Sacrifice kung saan dinagsa ng may 2 milyong debotong Muslim sa kingdom at mula sa iba’t ibang panig ng mundo na nagsasagawa ng tradisyunal na Hajj pilgrimage.
Napuno ng mga deboto ang buong main road mula sa sentro ng Mecca hanggang sa bulubundukin ng Arabat.
Inaalam pa ng Saudi authorities ang pinagmulan ng stampede.