MANILA, Philippines – Muling nagbabala si Health Secretary Janette Garin sa publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran lalo’t tumaas ang bilang ng kaso ng dengue sa ilang lugar sa bansa kamakailan.
Partikular na tumaas ang bilang ng mga tinatamaan ng dengue sa Cavite kung saan nakataas ngayon ang isang state of calamity.
Sa datos ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite, tumaas ng 200 porsiyento ang bilang ng mga kaso ng dengue sa probinsiya kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Paliwanag ni Garin, ang pagtaas ng kaso ng dengue ay bunga ng pabago-bagong panahon.
“Umuulan, nawawala, umuulan, nawawala. Hindi mapigilan na merong mga lata [na malalagyan ng tubig at mapapabayaan], ‘yung iba, mga goma... anything that breeds mosquitoes na pinanggagalingan ng dengue,” ani Garin.
Paalala ni Garin, hangga’t maaari ay lagyan ng mosquito repellent ang mga bata lalo’t sumasabay ang lipad ng mga lamok na may dalang dengue sa pagpasok at uwian ng mga estudyante.
Aniya, ang peak ng dengue mosquitoes ay two hours after sunrise, two hours before sunset.
Bukod sa Cavite, nakapagtala rin ng mataas na bilang ng kaso ng dengue sa Region 3, Central Visayas, at ilang lugar sa Mindanao.
Paalala ni Garin, tiyaking walang mga container na puwedeng malagyan ng stagnant water na siya namang breeding site ng mga lamok na may kakayahang magsalin ng dengue.
Dapat agad magpatingin sa doktor ang mga makararanas ng mga sintomas ng dengue, tulad ng lagnat, panlalamig, pananakit ng katawan at kasukasuan, sakit ng ulo, rashes at sore throat at sa malalang kaso pa ay pagdurugo.