MANILA, Philippines – Hindi na itinuturing ni Pangulong Aquino na ‘friend’ si dating Land Transportation Office Chief Virgie Torres dahil sumalungat ito sa “tuwid na daan” nang maugnay ito umano sa smuggled na asukal na tinangkang ipasok sa bansa subalit nasabat ng Bureau of Customs.
“The definition of friendship is that, ‘di ba, ito ang landas ko e. Kapag gagawa ka ng salungat sa landas ko, hindi tayo magkaibigan. Kapag i-importahan mo ako na gumawa ng hindi ko kaya or hindi ko nagawa, or ikaw gumawa ng alam mong hindi ko gagawin, hindi na tayo magkaibigan,” sabi ng Pangulo sa panayam ng ANC kamakalawa.
Aminado rin si Aquino na nalaman na lamang niya ito nang mabasa sa diyaryo sa halip na magmula sa report ng BoC sa kanya at ikinagulat niya ito dahil ang alam lamang niya ay nag-lease si Torres ng lupa sa Hacienda upang maging sugar planter.
“Nag-lease siya ng lupa sa Tarlac makaraang umalis sa LTO. Makatwiran ba sa kanya na palagpasin ang mga sugar smuggler na magpapababa sa presyo ng produktong pinamuhunanan niya? Yan ang bagay na wala sa lugar. Hindi yata logical ito,” paliwanag ng Punong Ehekutibo.
Inulit pa ng Pangulo na hindi niya papayagan ang sinuman niyang kaibigan na gamitin siya sa maling pamamaraan lalo’t lihis ito sa tuwid na daan.
“Kung ang pagkakaibigan natin ay batay sa kakayahan mong gamitin ako, hindi tayo magkaibigan. Kung ang iyong interes, ang layunin mo ay taliwas sa nais kong gawin, hindi na tayo magiging magkaibigan,” dagdag niya.