Kidnappers ng 3 banyaga, 1 Pinay tugis ng libong sundalo, pulis
MANILA, Philippines – Libu-libong mga pulis at sundalo ang tumutugis ngayon sa mga kidnaper ng tatlong banyaga at isang Pinay na binihag sa isang resort sa Island Garden City of Samal, Davao del Norte noong Lunes.
Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group (SITG) Oceanview ang mga awtoridad kung saan isinailalim sa red alert status ang buong puwersa ng tropa ng militar at pulisya sa mga lugar na posibleng tinatahak ng mga kidnaper.
Sinabi ni AFP spokesman Col. Noel Detoyato, pinakilos na ni AFP Chief Gen. Hernando Iriberri ang naval at air assets para tumulong sa ground forces ng militar, pulisya at Philippine Coast Guard (PCG) sa paghahanap sa mga bihag.
Ang mga biktimang sina Kjartan Sekkingstad, Norwegian at national manager ng Holiday Oceanview Resort; mga Canadian na sina John Ridsdel at Robert Hall, dating executive sa isang mining firm at ang Pinay na si Maritess Flora ay dinukot ng mga armadong lalaki, 11 sa mga ito ay nakunan pa sa CCTV footages habang kinakaladkad ang apat matapos salakayin ang nasabing resort noong Lunes ng gabi.
Hindi naman isinasantabi ng mga awtoridad na mga bandidong Abu Sayyaf ang nasa likod ng pagdukot.
Nangangamba ang security forces na maipasa ng mga kidnaper sa Sayyaf sa Sulu o Basilan ang mga bihag.
Pinalawak na ng AFP-Eastern at Western Mindanao Command gayundin ng pulisya ang paghahanap sa mga kidnaper sa mga lugar ng Davao Region, Sarangani, Zamboanga hanggang BASULTA (Basilan, Sulu at Tawi-Tawi) upang harangin ang mga naglalayag na sasakyang pandagat na pinagsakyan sa mga bihag.
- Latest