MANILA, Philippines – Nagtabla sa unang puwesto sa pre-election survey ng Social Weather Station para sa mga presidentiable sina Senador Grace Poe at Vice President Jejomar Binay.
Sa naturang survey, nakakuha si Poe ng 26% habang si Binay ay 24%. At dahil sa margin of error na +-3% ay “statistically tied” ang dalawa. Pumangatlo naman si Mar Roxas na may 20%.
Sinabi naman ng kampo ni Binay na ang resulta ng survey na ito ay magsisilbi pang inspirasyon sa Bise Presidente para magtrabaho pang mabuti at huwag masyadong makumpiyansa.
Isinagawa noong Setyembre 2-5 ang survey na merong 1,200 respondent.
Lumitaw ito pagkaraan ng isa pang survey ng SWS ilang araw lang ang nakakaraan na nagpapakita na nangunguna si Poe habang napangibabawan ni Roxas si Binay.
Pero kinukuwestyon ang methodology ng naturang survey dahil ang mga respondent ay binigyan lang ng tatlong pangalan kung sino sa tingin nila ang papalit kay Pangulong Aquino.
Sa BusinessWorld report, ang respondents sa latest survey ay hiningian ng 12 pangalan na inaprubahan ng nasabing pahayagan na kanilang pipiliin at iboboto bilang pangulo sa 2016.
Kabilang sa tanong ay kung sino sa mga nakalistang 12 pangalan ang kanilang iboboto bilang Presidente ng Pilipinas kung isasagawa ang halalan ngayong araw.
“Nagpapasalamat si Vice President Jejomar C. Binay sa mga mamamayang patuloy na sumusuporta at nagtitiwala sa kanya,” sabi ng tagapagsalita ni Binay na si Atty. Renato Quicho.
Sinabi pa ni Quicho na ang halalan ay magiging labanan para sa bawat boto at ipagpapatuloy ni Binay ang personal na pagharap sa mga mamamayan sa buong bansa.
Sa isang panayam sa Reuters, sinabi ni Binay na sisikapin pa niyang mabuti na maabot ang mas maraming botante sa kampanya sa halalan.
“Pagsisikap. Mas ibayong pagsisikap kaysa ng sa mga kalaban ko. Kailangang mas maraming botante ang makaharap ko,” sabi pa ni Binay. “Gagabayan ako ng karanasan ko sa Makati. Sa Makati, lagi akong inihahalal ng mayorya. Kaya dapat patuloy ang kontak sa mamamayan. Dapat magpakilala ka.”