MANILA, Philippines – ‘Bad precedent’ kung sasabihing naturalized citizen si Sen. Grace Poe dahil maaring mawalan na rin ng karapatan na magsilbi sa gobyerno ang iba pang ulilang lubos o inabandonang bata sa Pilipinas.
Ayon sa batikang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, ang kaso ni Poe na nasa Senate Electoral Tribunal (SET) ay hindi lamang usapin ng senadora kundi damay din ang karapatan ng abandoned children sa bansa.
Reaksiyon niya ito sa naging opinyon nitong Lunes ni SET chairman at SC Associate Justice Antonio Carpio na nagsabing naturalized citizen at hindi natural born si Poe sa ilalim ng international customary law.
“Ang mangyayari niyan, kawawa yung mga nasa lansangan nating mga bata. Kasi halimbawa, hindi mo alam kung sino ang mga magulang mo ngayon, nasa DSWD, ilang libo yan, inalisan na natin ng karapatang mangarap na balang araw, pwede ka palang maging justice ng Supreme Court, kasi ang justice ng Supreme Court, natural-born,” paliwanag ni Macalintal.
Nanindigan si Macalintal na si Poe na inabandona sa Jaro Cathedral sa Iloilo City, ay isang natural-born Filipino dahil kinikilala ng Pilipinas ang prinsipyo ng international law at bahagi ng batas ng bansa.
“Ano ba ang sinasabi ng pandaigdigang batas? Kapag napulot ka, ang iyong mga magulang ay presumed to be Filipinos,” aniya pa.
Ganito rin ang naging paninindigan ni Atty. George Garcia, sa giit na umiiral na presumption at principle of customary international law na ang ‘foundling’ ay ikinokonsidera na kung saan siyang bansa natagpuan ay maituturing na ang nationality ng mga magulang niya ay sa bansang iyon.
Ang paliwanag ni Atty. Garcia ay upang kontrahin din ang giit ni Justice Carpio na ang senadora ay isang ‘naturalized Filipino’.