Plataporma hindi porma - PNoy

Pangulong Benigno Aquino III. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – “Plataporma ng partido hindi ang popularidad”.

Ito ang tinuran ni Pa­ngulong Aquino na inayudahan naman ng mga eksperto sa politika sa bansa.

Pangamba ng mga political observers, isang Grace Poe ang tuluyang wawasak sa ‘multi-party electoral democracy’ ng bansa dahil siya ay tumatakbo lamang dahil sa kanyang tinatamasang popularidad at walang malinaw na policy agenda o plataporma tulad ng mga establisadong mga partido sa bansa. At dahil mataas ang mga numero niya sa mga survey, tila wala umanong magawa ang mga partido politikal kundi sumunod sa dikta nito.

Anila, sa isang demokratikong bansa, mahalaga ang matibay na political party system pagkat ang mga partido political ang kumakatawan sa ibat-ibang interes sa isang pamayanan sa pamamagitan ng mga alternatibong mga polisiya kung saan ay mamimili ang mga botante.

Ito rin anila ang nagbabantay sa mga halal na opisyal sa pamamagitan ng pagsisiguro na ang mga ito ay hindi kumikilos ng naaayon sa adhikain ng partido. Kung wala ito, ang mga halal na opisyal ay mamumuno ayon lamang sa dikta ng kanilang kagustuhan.

Paliwanag pa nila, ang mga partido political ang lumilinang sa mga sumi­sibol ng mga lider para kung sakali, ang mga ito ay handa sa pagtupad sa tungkulin bilang mga halal na opisyal. Kung wala nito, tuwing election ay lilitaw at mananalo ang kung sinuman na walang kahandaan kundi popular lamang, dagdag nila.

Si Presidente PNoy naman ay nagsabi na ang kanyang partido ay lilihis na sa personality politics patungo sa isang platform based na politika.

“We are moving away from personality politics to platform based politics...we will be advocating governance based on a particular or specific platfrom rather than just any personality” aniya.

Hindi naman maitatatwa na si Pangulong Aquino ay produkto rin ng perso­nality politics dahil siya ang sentimental choice makaraang pumanaw si Cory Aquino. Nanalo siya hindi dahil sa mga naisagawa niya bilang mambabatas kundi dahil sa popularidad na inani niya sa kanyang ina.

Si Poe naman ay humiram din ng kasikatan sa kanyang nasirang ama kaya siya ay naging top-notcher sa 2013 senatorial contest.

At dahil sa kasikatang ito, nagpaplano itong tumakbo sa labas ng party politics at tatakbong independent na walang malinaw na plataporma ng pamamahala.

Show comments