MANILA, Philippines — Nagsampa na ng kasong murder ngayong Martes ang National Bureau of Investigation at National Prosecution Service laban sa 90 kataong sangkot sa madugong Mamasapano clash.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na 26 sa mga kinasuhan ay miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), 12 naman ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at ang natitira ay mga mula sa People's Armed Groups.
Nakilala ang 90 suspek dahil sa salaysay ng mga testigo sa pagpatay sa 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) nitong Enero 25.
Tumanggi naman si De Lima na pangalanan ang mga suspek upang maiwasang magulo ang kaso.
Hindi rin ipapaalam ng DOJ ang paglabas ng subpoena laban sa mga suspek.
Nitong nakaraang linggo ay kinumpirma ni Pangulong Benigno Aquino III na ang SAF ang pumatay kay Malaysian terrorist Zulkifli Bin Hir, alyas Marwan.
Pinabulaanan din niya ang usap-usapang “alternative version” sa pagkakapatay kay Marwan.
Nasawi ang SAF sa kasagsagan ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at ng MILF.