MANILA, Philippines – Matapos ang halos limang taong pagtatago, nahuli na ng mga awtoridad sa Thailand ang magkapatid na wanted na sina dating Palawan Governor Joel T. Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes dahil sa kasong pagpatay kay Palawan environmentalist at hard hitting broadcaster Dr. Gerry Ortega.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), nakipag-ugnayan na ang Embahada ng Thailand sa pamahalaan kaugnay na pagkaka-aresto ng magkapatid na Reyes sa Bangkok, Thailand.
Kinumpirma ng DFA ang pagkakaaresto sa magkapatid na Reyes subalit hindi idinetalye ang ginawang operasyon ng Thai authorities.
Lumalabas sa ulat na hawak ngayon ng Thai police ang magkapatid na Reyes matapos silang arestuhin sa paglabag sa iimigration laws dahil sa pagiging overstaying.
Magugunita na noong 2012, nag-alok si Pangulong Benigno Aquino III ng P2 milyong reward para sa makakapagturo sa kinaroroonan ng mga tinaguriang “Big Five” o limang high profile fugitives kasama na ang magkapatid na Reyes.
Ang Reyes brothers ay tumakas sa Pilipinas patungong Thailand noong Marso 2012, ilang buwan lamang matapos na ituro sila sa Ortega murder at magpalabas ng warrant of arrest laban sa kanila ang Palawan Regional Trial Court.
Nakarating na sa pamilya Ortega ang pagkaka-aresto sa Reyes brothers at laking pasasalamat nila sa mga awtoridad dahil nahuli na ang itinuturong pumatay sa nasabing broadcaster.
Binaril at pinatay si Ortega na environmental crusader sa Palawan habang nasa downtown area ng kanilang lungsod noong Enero 24, 2011.