Roxas sa tumaas niyang SWS rating: Simula pa lang ito

“Para sa akin ay patunay ito na habang tumatagal, lumilinaw sa sambayanan ang mga napakagandang nasimulan, at ng pagnanais na manatili sa Daang Matuwid." Philstar.com/AJ Bolando, file

MANILA, Philippines – Malaki ang iniakyat ng rating ni dating Interior Sec. Mar Roxas ayon sa pinakabagong presidential survey ng Social Weather Stations.

Nagpapasalamat si Roxas sa kaniyang mga taga suporta lalo na’t 18 percent ang itinaas ng kaniyang rating mula sa 21 percent niya noong Hunyo na ngayon ay pumalo sa 39 percent.

Dahil dito ay naungusan niya si Bise Presidente Jejomar Binay na may 35 percent, habang walong porsiyento lamang ang layo niya kay Sen. Grace Poe (47 percent).

BASAHIN: Poe nangunguna, Roxas inungusan si Binay sa SWS survey

“Nagpapasalamat ako sa suporta ng ating mga kababayan. Ikinagagalak po ng buong Daang Matuwid coalition ang nangyaring pag-angat sa ating mga numero sa huling survey ng SWS,” pahayag ng standard bearer ng Liberal Party.

“Para sa akin ay patunay ito na habang tumatagal, lumilinaw sa sambayanan ang mga napakagandang nasimulan, at ng pagnanais na manatili sa Daang Matuwid,” dagdag niya.

Naniniwala si Roxas na habang papalapit ang eleksyon ay magiging mas makilatis ang publiko sa pagpili ng tamang pinunong uupo mula 2016 hanggang 2022.

BASAHIN: Ang talagang survey ay ‘yung araw ng eleksyon – Binay

“Sa paglipas ng panahon, dadami ang mga isyung ihaharap sa bawat kandidato and we are confident that more and more of our people will be able to discern true election issues from mere mudslingin,” sabi ni Roxas.

Isinagawa ang survey ilang linggo matapos ipakilala ni Pangulong Benigno Aquino III si Roxas na siyang magpapatuloy ng “Daang Matuwid.”

Samantala, patuloy pa rin ang paghahanap ni Roxas ng magiging runningmate matapos magdesisyon si Poe na kalabanin siya.

BASAHIN: Poe sa resulta ng SWS survey: Nasa tamang direksyon tayo

Isa sa mga matutunog na pangalan ay kay Camarines Sur Rep. Leni Robredo.

Show comments