MANILA, Philippines – Hindi ikinabahala ni Bise Presidente Jejomar Binay ang resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations, kung saan bumagsak siya sa pangatlong pwesto.
Kahit umakyat ng isang puntos ang kaniyang rating, hindi ito naging sapat upang mapabuti ang ratings ni Binay na may 35 percent, habang naungusan siya ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas na may 39 percent.
“’Yung 35 percent, yun pa rin ang aking core. ‘Yun ang bumoto sa akin noong 2010, bumoto para kay Sen. Nancy (Binay) noong 2013,” sabi ng Bise Presidente sa kaniyang panayam sa Umagang Kay Ganda ng ABS-CBN.
BASAHIN: Poe sa resulta ng SWS survey: Nasa tamang direksyon tayo
Para kay Binay, hindi sinasalamin ng survey ang magiging resulta ng mismong eleksyon sa Mayo 2016 dahil limitado lamang ang sagot sa mga piling tanong.
“Ang talagang survey ay ‘yung araw ng eleksyon,” pahayag ng manok ng United Nationalist Alliance.
“ Itong mga nangyayaring survey ay madalas popularity. Pero dapat lang ninyong matandaan ‘yang survey malaki ang impluwensya ng tanong. Halimbawa may nagsu-survey, magbibigay ka pa ng tatlong pangalan na ganito o kita mo kino-corner ka na kaagad.
Napanatili ni Sen. Grace Poe ang kaniyang pwesto sa tuktok ng survey na may 47 percent mula sa 42 percent niya noong Hunyo.
Umabot sa 18 puntos ang iniakyat ng rating ni Roxas mula sa 21 percent niya noong Hunyo na ngayon ay 39 percent upang kunin ang pangalawang pwesto.
Si Binay ang pinakaunang politiko na nagdeklara ng kaniyang pagtakbo bilang pangulo sa susunod na taon.
Tulad ni Roxas, wala pa rin namang napipiling running mate si Binay, habang makakasama ni Poe si Sen. Francis Escudero.