MANILA, Philippines – Ang pinakahuling survey na isinagawa ng RMN (Radio Mindanao Network) ang matibay na pagpapakita nang malakas at matatag na “voting base” ni Vice President Jejomar Binay sa presidential race.
Ayon kay Atty. JV Bautista, United Nationalist Alliance (UNA) secretary-general, patunay ang nationwide survey ng RMN na nananatiling nangingibabaw si Binay na siyang mananalo sa halalan sa 2016.
Sa nasabing survey, nakakuha si Binay ng 26.16 porsyentong boto para sa pagka-pangulo pumangalawa si Sen. Grace Poe, 24.84% habang si LP bet Mar Roxas ay 18.14%.
Nakalap ang nasabing survey o boto mula sa 4,718 (randomly selected) listeners at registered voters sa buong bansa noong Agosto 11 hanggang 18, 2015 na may +/-2.5% margin of error.
“Ang support base po ni Vice President ay consolidated. Ito po yung tinatawag natin na poll support. Hindi ho gumagalaw iyan,” ani Bautista.
Ipinaliwanag ni Bautista na naniniwala ang kanilang partido na nananatiling nasa likod ni Binay ang kanyang mga supporters.
“Hindi ho siya, at any one point, at any given time, hindi ho siya nag-single digit. Lagi ho siyang nananatili sa high 20s, meaning 28-29% hanggang sa mid-30s, o 34-35%,” wika ni Bautista.
Dahil dito, naniniwala ang partido at kampo ng Bise Presidente na hindi na matitinag ang bilang ng boto ni Binay bagaman nagsimula nang magdeklara ng kandidatura ang kanyang mga kalaban sa pulitika.
Iginiit ni Bautista na ang mga botante pa rin ang huling magdedesisyon kung sino ang magiging susunod na lider ng bansa base sa kaalaman, karanasan at dedikasyon at malasakit sa mamamayan.
“Sa amin pong tingin, wala hong kandidatong makapag-aalok ng inaalok ni Vice President Binay. Yung karanasan, yung kakayahang mamuno at magpatupad ng magandang programa at yun pong kalinga at malasakit sa mga taumbayan. Wala po kaming nakikita na ibang kandidato na makakatapat sa mga katangian na iyan,” dagdag pa ng UNA Secgen.