Mar-Leni team ‘go’ na!

Nagtungong Naga City si Roxas upang pormal na kausapin si Robredo, na sa ngayo’y pag-iisipan pa ang naging alok dahil sa agam-agam ng kanyang mga anak sa pagtakbo niya sa mas mataas na posisyon. Manuel Roxas II Facebook account/Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Plantsado na ang tambalang Ro-Ro (Roxas-Robredo) bilang presidente at bise presidente sa 2016.

Nag-usap na nang pormal sina Liberal Party presidential bet Mar Roxas at Camarines Sur Rep. Leni Robredo para sa tambalan nila na magsusulong ng legacy ni Pa­ngulong Aquino na Tuwid na Daan.

Nagtungong Naga City si Roxas upang pormal na kausapin si Robredo, na sa ngayo’y pag-iisipan pa ang naging alok dahil sa agam-agam ng kanyang mga anak sa pagtakbo niya sa mas mataas na posisyon.

Nilunsad naman ang “Jump with Leni” hashtag ng mga netizens na pagtugon sa paghihikayat ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda para ipakita sa mga Robredo na hindi sila nag-iisa sa bagong hamong ito at nag-trending din ang “Leni Robredo” sa social media.

Ang isang Facebook page na tinawag na “Leni Robredo for VP” ay umani ng halos 30,000 likes mula ng inilunsad ito noong nakaraang Biyernes. Tila mas naging mainit ang pagtanggap kay Robredo ng mga taga-suporta nila PNoy at Roxas kaysa noong si Senador Grace Poe pa ang kinakausap para maging running mate ng huli. Tumanggi si Poe na manatili sa Daang Matuwid at nakipagtambalan kay Sen. Chiz Escudero.

Ayon kay Harvey Keh, convenor ng Kaya Natin, isang grupong adhikain ang good governance ay “Tunay na Tuwid na Daan” si Roxas at Robredo.

“Both of them are leaders who are matino, mahusay at may puso,” sabi ni Keh.

Show comments