MANILA, Philippines – Nananatiling matatag ang Iglesia ni Cristo (INC) matapos ang mga nagdaang kontrobersiya.
Sa kabila ng kasong isinampa ng itiniwalag na ministro na si Isaias Samson Jr., na ngayon ay umuusad na sa Department of Justice (DOJ) hindi umano ito nakaapekto sa tiwala at paniniwala ng mga tagasunod ng INC.
Ayon kay INC spokesperson Bro. Edwil Zabala, kung meron mang mga pumapanig kay Samson ay mangilan-ngilan lamang kumpara sa milyon-milyon pa ring nanatili ang tiwala sa pamunuan ng INC.
Tiwala rin si Zabala na kung hindi magkakaroon ng manipulasyon ay lilitaw din na ang mga paratang ni Samson ay pawang kasinungalingan lamang.
Muli namang iginiit ni Zabala na walang naging kasunduan ang INC sa pamahalaan matapos ang ilang araw na pagkilos na ginawa ng kanilang mga kasapi sa DOJ at sa EDSA.?
Ang importante ayon kay Zabala ay natapos ng payapa ang pagkilos at naipahayag ng kanilang mga kasapi ang kanilang hinaing kay Justice Sec. Leila de Lima.