MANILA, Philippines - Pinanindigan ni Comelec Commissioner Christian Robert Lim na may hawak silang intelligence report sa plano ng China na isabotahe ang 2016 elections.
Para kay Lim, ginagawa lamang niya ito upang maging transparent. Wala umano silang balak na alarmahin ang pamahalaan at ang publiko.
Hindi rin daw niya maintindihan ang mga kritiko kung saan pumapanig, lalo’t kapakanan ng pampanguluhang halalan ng ating bansa ang nakataya sa isyung ito.
Nais lamang niyang maging handa ang gobyerno sa anumang sitwasyon.
Tinawag ng isang election watchdog AES Watch na “careless” statement ang pahayag ni Lim.
Maging ang Chinese Embassy ay mariing itinanggi ang nasabing impormasyon dahil hindi raw nila ito gawain.