MANILA, Philippines – Nakatakdang magpulong ang national executive council ng Liberal Party (LP) sa Setyembre 28 upang pag-usapan kung sino ang magiging runningmate ni Interior Secretary Manuel "Mar" Roxas II.
Sinabi ni LP chair for political affairs and Caloocan City Rep. Edgar Erice na marami silang pagpipilian ngunit hinintay pa ang desisyon ni Sen. Grace Poe kaya bahagyang naantala.
"Maraming option. Kaya lang hinintay ni Sec. Mar nung magsabi ang pangulo na hindi pa siya nawawalan ng pag-asa kay Sen. Poe," wika ni Erice sa ABS-CBN News Channel.
Ilan sa mga matutunog na pangalang makakasama ni Roxas ay sina Sen. Alan Peter Cayetano, Batangas Gov. Vilma Santos, Camarines Sur Rep. Leni Robredo, Justice Secretary Leila de Lima at Bureau of Internal Revenue Kim Henares.
Sa kabila ng pagdedeklara ni Poe ng kaniyang pagtakbo bilang pangulo sa 2016, kumpiyansa si Erice sa tsansa ni Roxas.
Samantala, kinumpirma ni Robredo na inalok siya ni Roxas upang maging runningmate niya.
Wala pa namang desisyon ang kongresista ng Camarines Sur.