MANILA, Philippines - Mag-o-“ober da bakod” na sa partidong Nationalist Peoples Coalition (NPC) ang mga opisyal ng Liberal Party (LP).
Sinabi ni NPC spokesman at Quezon Rep. Mark Enverga, na ngayong araw ay manunumpa na ang mga bagong local officials ng LP sa kanilang partido mula sa ibat-ibang lalawigan tulad ng Quezon at Laguna.
Ang dahilan umano ng pag-o-ober da bakod ng LP local officials ay dahil ang NPC ay tiyak ng susuportahan ang Poe-Chiz tandem sa 2016 presidential elections.
Itinatanggi naman ni LP spokesman at Easter Samar Rep. Ben Evardone na nagsisikalasan na ang mga myembro ng partido ngayong nagdeklara na si Sen. Grace Poe at Sen. Chiz Escudero.
Ayon kay Evardone, hindi totoo na umaalis sa partido ang mga miyembro nila dahil lamang sa pagtakbo ni Poe sa halalan.
Kung tutuusin pa nga ay marami pa ang gustong sumapi sa LP yun lamang ay hindi nila maasikaso dahil wala pa silang active recruitment sa ngayon.
Naging maugong ang balitang marami sa mga myembro ng LP at koalisyon nito mula sa ibang partido ang kakalas ng suporta kay LP standard bearer Mar Roxas para magbigay ng suporta sa tatakbong Pangulo na si Poe.
Subalit aminado naman ito na may conflict sila sa kanilang mga opisyal sa lokal kung saan inihalimbawa nito sa Western Samar na ang Governor doon ay miyembro ng NPC subalit ang sinusuportahan nito ay si Roxas.