Poe suportado ng 33 Agri groups
MANILA, Philippines - Sinuportahan kahapon ng isang malaking grupo ng mga magsasaka at mga nasa sektor ng irigasyon ang inihayag na kandidatura sa pagka-presidente ni Sen. Grace Poe.
Anang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), si Poe ang pinakakuwalipikadong magpalakas sa larangan ng agrikultura sa susunod na anim na taon. Ang SINAG ay binubuo ng 33 agri group, farmers’ and irrigators’ associations.
“We are expressing our strong support to the presidential candidacy of Sen. Grace Poe in 2016 elections,” anang grupo.
Idinagdag nito na may kumpiyansa sila na bibigyan ng prayoridad ni Poe ang mga suliranin ng sektor sa pagsasaka at ng mga magbubukid na Pilipino tulad ng ipinakita niya bilang halal na senadora ng bansa, ani Rosendo So, pangulo ng SINAG at Chairman ng Abono Partylist.
Dagdag niya, “We are optimistic that a Poe administration will institute policies versus smuggling of agricultural products and implement policies that will develop the country’s agri sector, something that the current administration has failed to fully address”.
Naunang ibinunyag ng SINAG na may 6 Agri commodities gaya ng bigas, baboy, karne ng manok at kalabaw, bawang at sibuyas ang na-ismagel sa bansa na nagkakahalaga ng P37.35 billion noong 2014.
Kinilala ni So ang commitment ni Poe na dagdagan ang employment sa agrikultura na kumakatawan sa 30 porsyento ng kabuuang workforce ng bansa.
Bilang senador, kinatigan ni Poe ang pagpasa sa Senate Bill 1282, na humihikayat sa mga Pilipino na lumahok sa mga programang agricultural sa pagbibigay ng mga insentibo. Si Poe rin ang umakda sa Senate Bill 2089, o An Act Promoting Corporate Farming and Providing Incentives for its Effective Implementation.
- Latest