MANILA, Philippines – Isinapubliko ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong Huwebes ang mga bagong update sa imbestigasyon sa Mamasapano clash na ikinasawi ng 44 miyembro ng Special Acton Force (SAF) nitong Enero.
Kinumpirma ni Aquino na ang SAF ang nakapatay kay Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir alyas Marwan noong Enero 25.
Ipinakita ng Pangulo ang larawan ng bangkay ni Marwan at ang pagpuputol ng SAF ng daliri ng terorista para sa isinagawang DNA test.
"Maliwanag na SAF ang nandoon. Imposibleng pagdudahan pa na SAF ang kumuha ng daliri ni Marwan," wika ni Aquino.
Muling uminit ang usapin sa insidente matapos magkaroon umano ng “alternative version” kung saan hindi ang SAF ang nakapatay kay Marwan.
"Ibig sabihin din po, lahat ng ibang salaysay ukol sa sinasabing alternatibong naratibo ay wala nang basehan at wala na ring saysay."