Bonus proposal ni Mayor Junjun aprub
MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Makati City Council sa regular session nito ang ordinansang naglalaan ng P131 milyon para pagkalooban ng Productivity Enhancement Incentive ang mga kuwalipikadong empleyado ng lunsod. Katumbas ito ng isang buwang sahod.
Ito ang ipinahayag kamakalawa ni Makati Acting Vice Mayor Leonardo Magpantay sa pamamagitan ng public address system ng Makati City Hall.
Sa harap ng publiko, kinilala ni Magpantay na si Makati Mayor Jejomar Erwin Binay ang nagpasimula ng pagkakaloob ng naturang mga bonus sa mga empleyado ng lunsod alinsunod sa Executive Order No. 181.
Ipinaliwanag ni Magpantay na, noon pang Mayo, inatasan na ni Mayor Binay ang City Council na pag-aralan ang kanyang panukalang insentibo sa mga kuwalipikadong empleyado ng Makati.
Sa ilalim ng EO181, pagkakalooban ng bonus ang lahat ng regular, casual at contractual city government workers na apat na buwang tuloy-tuloy na nakapagserbisyo hanggang noong Mayo 31, 2015.
- Latest