MANILA, Philippines – Muling iginiit kahapon ni Vice President Jejomar Binay ang kanyang suporta sa pagpapababa ng income tax sa bansa kasabay ang pangako na pag-iibayuhin ang paglikha ng trabaho at pagpapalawak ng social services kung siya ang mahahalal na presidente ng bansa sa 2016.
Ayon kay Binay, dapat ay patas ang umiiral na tax system at dapat mas mataas ang bayarang buwis ng mga sumusuweldo ng malaki kaysa sa mga maliliit ang sahod.
Sinabi ni Binay na base sa pahayag ng Management Association of the Philippines, yung mga kumikita ng nasa P500,000 isang taon ay pinapatawan ng 32 porsiyentong income tax na pinakamataas sa Asia.
Sa kabila aniya ng nakabinbing 17 panukalang batas tungkol sa income tax sa Kongreso, kahit isa ay walang inaasahang papasa sa mga ito.
“Kung hahayaan natin ito at hindi tayo kikilos na maamyendahan ang sistema ng pagbubuwis sa bansa, darating ang araw na ang tax rate ng mga guro, pulis, sundalo at nars ay sintaas na ng tax rate ng mga milyonaryo sa bansa,” ani Binay.
Naniniwala rin si Binay na dapat ng ibaba ang corporate income tax rate para mas maka-engganyo ng mga foreign investors na magreresulta ng mas maraming trabaho at kita sa gobyerno.
Nangako rin si Binay na papalakasin maging ang sektor ng agrikultura kapag nahalal na Pangulo ng bansa.