Napeñas kay PNoy: ‘Sa SAF ka maniwala, huwag sa MILF!

Dating PNP-Special Action Force (SAF) Chief ret. P/Director Getulio Napeñas. Senate PRIB/Joseph Vidal, File

MANILA, Philippines – “Believe your men not the Moro Islamic Liberation Front!”

Ito ang patutsada kahapon ni dating PNP-Special Action Force (SAF) Chief ret. P/Director Getulio Napeñas kay Pangulong Aquino na pinaniwalaan ang umano’y ‘alternative truth’ na pinalutang ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Hindi rin itinago ni Napeñas ang pagkadismaya kay PNoy na mas pinapanigan pa umano ang MILF sa halip na ang mga bayaning SAF 44 commandos na nagbuwis ng buhay sa Oplan Exodus noong Enero 25 sa Mamapasano, Maguindanao.

Sa bersyon ng MILF, ang aide mismo umano ng tero­ristang si Marwan ang nakapatay dito at hindi ang SAF 44.

Sinabi ni Napeñas na hanggang ngayon ay naghahanap pa ng hustisya ang pamilya ng SAF 44 at dahilan sa ‘alternative version’ ay lantarang binabalewala at pinawawalang saysay ang sakripisyo ng kaniyang mga tauhan na nag-alay ng buhay para sa bayan.

Sinabi ni Napeñas na walang kasanayan ang MILF at hindi ang mga ito eksperto para sabihin na ang ‘trajectory’ o pinanggalingan ng tama ng bala ni Marwan ay hindi galing sa SAF.

“They have no authority to say that, they have no proper training and expertise on forensic examination,” ani Napeñas na sinabing walang kredibilidad ang MILF sa bagay na ito.

Sinabi pa nito na kung talagang sinsero ang MILF dapat ay ginawa ng mga ito ay i-secure ang bahay kung saan napatay si Marwan sa Brgy. Pidsandawan, Mamasapano para maipreserba ang mga ebidensya sa pagkamatay nito pero ang nangyari ay sinunog ito.

Giit nito, sinisira ng MILF ang kredibilidad ng SAF 44 sa pagkakapatay kay Marwan upang isulong na maipasa ang nanamlay ng Bangsamoro Basic Law (BBL).

Binigyang diin pa nito na ang informer ng SAF 44 ang may karapatan sa $5 M reward ni Marwan at hindi ang MILF na nais pang agawin ang kredito sa tagumpay ng kanilang operasyon na naging kapalit ng buhay ng mga bayaning commandos.

Show comments