MANILA, Philippines – Tulad ng inaasahan, inihayag ni Sen. Grace Poe ang kaniyang pagtakbo bilang pangulo para sa eleksyon sa susunod na taon.
“Ako po si Grace Poe. Pilipino. Anak, asawa at ina, at sa tulong ng Mahal na Diyos ay inaalay ko sa inyong lahat ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang inyong Pangulo,” pahayag ni Poe ngayong Miyerkules sa Bahay ng Alumni ng University of the Philippines-Diliman sa lungsod ng Quezon.
Ilan sa mga tinalakay niyang isyu ng bayan na dapat maresolba ay ang pagpapababa ng buwis na mainit na isyu ngayon matapos kontrahin ni Pangulong Benigno Aquino III ang mungkahing ito.
Binaggit din ng senadora ang pagpapasa ng Freedom of Information bill at ang pagsasaayos ng impastraktura kabilang ang kalsada, tren, paliaparan, panatalan at ang mabagal na internet sa bansa.
Hinimok ni Poe ang publiko na tulungan siya upang matupad ang kaniyang mga plano para sa bayan.
“Kaya nating marating ang ating mga mithiin para sa bayan kung magsisipag, magmamatyag at siguraduhin na may tapat na gagabay sa atin,” pahayag ni Poe ngayong Miyerkules sa Bahay ng Alumni ng University of the Philippines-Diliman sa lungsod ng Quezon.
Tatlong politiko na ang nagpahayag ng kanilang planong tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Makakalaban ni Poe si Bise Presidente Jejomar Binay at Mar Roxas.