MANILA, Philippines – Kinumpirma kahapon ng tanggapan ni Sen. Grace Poe na may importanteng iaanunsiyo ang senadora ngayong araw.
“Sen. Grace Poe will make an important announcement in connection with her plans for the 2016 National Elections,” anang pahayag.
Alas-6 ngayong hapon gagawin ng senadora ang deklarasyon sa Bahay ng Alumni sa UP Diliman, Quezon City.
Samantala, nakatakda na ring magdeklara ng kanyang kandidatura si Sen. Chiz Escudero bilang bise presidente.
Sina Poe at Escudero ang inaasahang magiging magka-tandem sa 2016.
Gaganapin ang deklarasyon ni Escudero sa Setyembre 17 sa Kalayaan Hall ng Club Filipino alas-10 ng umaga.
Kaugnay nito, hindi dadalo si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. sa inaasahang deklarasyon ni Poe na pagsabak sa 2016 Presidential Elections ngayong araw.
Ayon kay Belmonte, imbitado siya sa event ni Poe bilang courtesy dahil sakop ng kanyang distrito ang UP Diliman subalit hindi umano ito dadalo dahil nasa Batasan Complex at may sesyon sa hapon.
Subalit base umano sa nakalap niyang impormasyon, parang “addressing the people” lang ang gagawin ni Poe.
Nanawagan naman si Belmonte sa iba pang mga Kongresista na bagama’t imbitado sa event ni Poe ay unahin sana ng mga ito ang kanilang trabaho sa plenaryo.