‘No garage, no car’
MANILA, Philippines – Ikinokonsidera ng Malacañang ang panukala ng PNP-Highway Patrol Group (HPG) na magkaroon ng batas hinggil sa “no garage, no car policy”.
Sinabi ni Communications Sec. Herminio Coloma Jr., nais ng PNP-HPG na makatulong sa pagluluwag ng kalsada dahil maraming may-ari ng sasakyan ang mga walang garahe at nakaparada ang kanilang sasakyan sa kalsada.
“Sa ganitong paraan, mababawasan ang pagsikip ng kalsada upang bumilis ang daloy ng trapik. Karapat-dapat na bigyan ito ng seryosong pag-aaral. Ang mahalaga ay ang hindi pagparada sa mga kalsadang primary o alternative routes. Yun ang layunin,” paliwanag ni Coloma.
Naunang ipinanukala ito ni HPG Chief, Supt. Arnold Gunnacao sa joint hearing ng Senate hearing hinggil sa sitwasyon ng trapiko sa Metro Manila.
“We should declare all streets to be no parking zones so the streets will be open for the public,” wika ni Supt. Gunnacao.
Inirekomenda ni Sen. Tito Sotto sa mga opisyal ng gobyerno na gawing “no parking zone” ang Metro Manila bilang pinakamabisang solusyon sa matinding trapik sa Kamaynilaan.
Pinuna ni Sotto na halos lahat ng kalsada sa Metro Manila ay may illegal parking kaya hindi magamit ang mga alternatibong ruta ng mga motorista.
Bukod sa illegal parking, marami rin aniyang mga itinayong illegal structures sa tabi ng mga lansangan gaya ng mga barangay hall at mga istasyon ng pulisya.
- Latest