Para lumuwag ang EDSA mass transportation ayusin
MANILA, Philippines – Naniniwala si Auxilliary Bishop Broderick Pabillo ng Catholic Bishops Conference of the Philppines na ang pagsasaayos ng mass transportation ang isa sa mga susi upang mapaluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA.
Kasabay nito, hindi naman ito pabor sa panukalang pagbawalan ang mga pribadong sasakyan na dumaan sa kahabaan ng EDSA kung hindi apat o higit pa ang sakay nito. Aniya, hindi angkop ang nasabing panukala upang matugunan ang malalang problema ng trapiko sa EDSA at iba pang pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Giit ng Obispo, dapat unahin ng pamahalaan ang pagsasaayos ng Mass Transportation System sa Metro Manila upang mahikayat ang mga may sariling sasakyan na piliin ang pagsakay sa mga pampublikong transportasyon.
“Ang tugon diyan kung maaari ayusin ang transport system natin. Ayusin na agad yun ating MRT o LRT kasi kapag maaayos na ang mass transport natin puwede natin sabihin sa mga tao na wag na kayo magdala ng kotse maganda naman ang gamit ng mass transport, dahil hindi nga maayos ang ating mass transport lahat napipilitan gumamit ng sasakyan.”pahayag ni Bishop Pabillo. Sinabi pa ni Pabillo na hindi makakabuting pagbawalan ang mamamayan na gumamit ng pribadong sasakyan kung wala naman silang alternatibong pamamaraan na maaaring lipatan.
“Kung bibigyan natin ng kahigpitan yun mga tao na huwag gumamit ng kotse eh dapat mayroon tayong pamamaraan na inaalok sa kanila na maganda” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Kaugnay nito, aminado si Bishop Pabillo na tila kalamidad sa buhay ng bawat mamamayan ang matinding traffic at pagbaha na nararanasan sa mga pangunahing lansangan.
Umaapela ang Obispo na paghandaan at ayusin ang problema sa trapiko at pagbaha sa mga lansangan at huwag hayaan na paulit-ulit na lamang itong nararanasan ng publiko.
Naunang nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pamahalaang Aquino na i-regulate ang pagbibenta ng mga sasakyan, ayusin ang mass transportation at magkaroon ng disiplina at pagbibigayan ang mga motorista sa lansangan.
Batay sa datos ng Number Traffic Index, pang-lima ang Pilipinas sa may pinakamalalang problema sa trapiko sa buong mundo.
- Latest