MANILA, Philippines – Inamin kahapon ni Philippine National Police Chief P/Director General Ricardo Marquez na hindi maiiwasan na bumagsak ang moral ng kanilang hanay sa isyu ng ‘alternative truth’ na kumitil ng buhay ng 44 Special Action Force (SAF) commandos noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
“Medyo hindi nga maganda sa morale ng tao (PNP operatives) at yung nilalabas na katotohanan dahil 44 people died, kaya nga sabi ko nga eh ang pakiramdam ko e people who are claiming they have other version of the events should provide evidence doon sa mga allegations na yun”, pahayag ni Marquez.
Sinabi ni Marquez na gaano man kasakit ang mga pangyayari , lahat ay interesado na malaman ang katotohanan sa likod ng mga lumulutang na mga pangyayari sa Mamasapano.
Ang mainit na isyu ng ‘alternative truth’ ay komento ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III na pinakinggan ang pinalutang na bersiyon ng Moro Islamic Liberation Front na hindi umano SAF 44 commandos kundi aide mismo ng target na si Jemaah Islamiyah (JI) terrorist Zulkipli bin Hir alyas Marwan ang nakapatay dito noong Enero 25 sa inilunsad na Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao.
Si Marwan ay may patong sa ulong $5 million ang target ng ikinasang Oplan Exodus ng SAF commandos na kumitil sa buhay ng 44 sa mga ito habang 15 pa ang nasugatan.
Ang nasabing bersyon ng MILF ay sa gitna na rin ng pananamlay ng isinusulong na Bangsamoro Basic Law kung saan tila pinakikinggan ni Aquino ang ‘alternative truth’ na pinalulutang ng nasabing grupo sa gitna na rin ng minimithing pangmatagalang kapayapaan sa Maguindanao.
Sinabi ni Marquez na dahil dito ay ipinarerepaso na niya sa Board of Inquiry ng PNP ang resulta ng imbestigasyon sa Mamasapano operation.
Sinabi naman ng isang kongresista na walang dahilan para muling buksan ang imbestigasyon sa Mamasapano incident kung wala namang credible na testigong lalabas at walang matibay na ebidensiya sa impormasyong hindi ang mga miyembro ng PNP-SAF ang nakapatay sa teroristang si Marwan.
Ayon kay Act CIS partylist Rep. Samuel Pagdilao, hindi na dapat magkaroon pa ng reinvestigation dahil muli lang umanong mananariwa ang sugat na iniwan nito sa maraming tao lalo na sa pamilyang napatay na SAF troopers.