MANILA, Philippines – Naniniwala si Pangulong Benigno Aquino III na hindi makakatulong sa paglago ng ekonomiya ang mas mababang buwis sa bansa.
Sinabi ni Aquino ngayong Lunes na maaapektuhan ang credit ratings ng bansa kapag natuloy ang mga panukalang ibaba ang income tax rate.
"Ang tanong, kapag binawasan natin ‘yung income tax, mababawasan ‘yung revenue, lalaki ‘yung deficit. Iyong paglaki ba ng deficit magiging negative factor kapag ni-rate sa atin o ni-rate tayo nitong mga credit ratings agencies?" wika ng Pangulo sa mga mamamahayag sa Iloilo.
Hindi rin pabor si Aquino na itaas ang value-added tax (VAT) upang pambawi sa mawawalang buwis kung itutuloy ang pagpapababa sa income tax.
Aniya magreresulta lamang ito sa mas mahala na mga bilihin, kung saan ang mga kapos-palad na Pilipino ang magdurusa.
"So ang tanong, makakabuti ba 'yung pagbababa ng income tax level sa mga kababayan natin? At ako’y hindi kumbinsido sa ngayon," pahayag ni Aquino.
"Parang ang gandang pakinggan, ano, 'uy, nadagdagan 'yung disposable income ko,' para sa isang bahagi. Pero sa kabilang bahagi naman, tataasan naman 'yung kokoleltahin sa VAT, 'yung taxes on oil at iba pa. Baka naman ito walang nangyari sa iyo at ang tatamaan nga mas marami doon sa mas kaunti ang kakayahan."