MANILA, Philippines – Naniniwala si Camarines Sur Rep. Leni Robredo na mas magiging epektibo sa kanilang tungkulin ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) sa sandaling maisabatas na ang SK Reform Bill.
Pasado na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 06043, kung saan kasama si Cong. Robredo na nagsusulong.
Ani Robredo “mahuhubog ang ating mga kabataan tungo sa pagiging lider na may pagpapahalaga sa malinis at tapat na pamamahala.”
Bukod dito, mailalayo rin sila sa lumang sistema ng pulitika, kung saan talamak ang katiwalian at dynasty politics.
Isa sa mga mahalagang probisyon ng panukala ay ang pagkakaroon ng local youth development councils, na siyang tutulong sa mga pinuno ng SK sa pagbalangkas ng mga programa’t proyekto para sa mga kabataan.
Ang LYDC ay una nang sinimulan ng yumaong asawa ni Cong. Leni na si Secretary Jesse Robredo noong ito’y mayor pa lang ng Naga.
“Mahalaga ang naging papel ng nasabing konseho ng mga kabataan sa Naga City upang makabuo ng mga proyektong nagsusulong sa kapakanan ng mga kabataan,” banggit ni Cong. Robredo.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbabawal sa pagtakbo ng mga kamag-anak ng nahalal at nahirang na opisyal bilang miyembro ng SK, hanggang sa tinatawag na second level of consanguinity.
Itinaas rin ng SK Reform Bill ang age limit ng SK officials mula 15-17 patungong 18-21 anyos, upang maging ligal ang pagpasok nila sa mga kontrata at mapapanagot sa kanilang aksiyon.
Kailangan na ring sumailalim sa leadership training programs ang mga SK official upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman sa pagtupad sa tungkulin.
Dahil aprubado na ang Senate version, na isa sa mga nagsusulong ay si Sen. Bam Aquino, isang bicameral conference committee ang gagawin upang pag-isahin ang mga probisyon.
Ang huli at pinagkasunduang bersiyon ay ipadadala sa Malacañang para sa pirma ni Pangulong Aquino.