MANILA, Philippines – Inendorso ng isang malaking farmers' federation si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na maging runningmate ni Liberal Party (LP) presidential candidate Mar Roxas sa darating na 2016 elections.
Sinabi ni Vicente “Ka Sonny” Domingo, national chairman ng Kapisanan ng Magsasaka, Mangingisda at Manggagawa ng Pilipinas Inc. (KAMMMPi), na dapat si Belmonte na ang maging vice-president ni Roxas dahil na rin sa taglay nitong karanasan, competence at winnability.
Ipinaliwanag ni Domingo na si Belmonte ang nakikita nilang puwedeng maging kapalit ni Senador Grace Poe upang maging runningmate ni Roxas sa 2016.
“Naghahanap pa rin ng kandidatong bise presidente ang LP. Panahon nang kaming mga mangingisda, magsasaka at manggagawa sa buong bansa ay magkaisa para sa isang pinakakuwalipikadong kandidatong bise presidente sa katauhan ni Belmonte,” sabi pa ni Domingo.
Malaki ang paniniwala ng pinakamalaking farmer’s federation na si Belmonte ang nararapat na maging susunod na bise-presidente ng Pilipinas dahil na rin sa karanasan nito bilang alkalde ng Quezon City at pagiging lider ng Mababang Kapulungan.
Sinabi pa ng KAMMMPI na ganap ang kanilang tiwala at kumpiyansa kay Belmonte bilang opisyal ng pamahalaan na hindi mamumulitika sa pagsisilbi sa mamamayan at sa halip, iuukol ang kanyang panahon, pagsisikap at kakayahan sa pagtulong sa presidente sa mabuting pamamahala na merong magandang epekto sa sektor ng agrikultura na mapapakinabangan ng 17 milyong magsasaka, 20 million upland dwellers (Indigenous People), 3 million coconut farmers, 3 million fisherfolks na sa kabuuan ay umaabot sa 24 milyong maralitang Filipino.
Binanggit pa ni Domingo na, kapag nanalong pangulo si Roxas, dapat kapartido nito ang bise presidente sa katauhan ni Belmonte upang maisulong nila ang mga programa para sa kagalingan ng bayan na walang halong pulitika.
“Si Belmonte na isa nang subok na mataas na ehekutibo sa pribadong sektor, beteranong mamamahayag, iginagalang na dating alkalde ng Quezon City na isa sa pangunahing financial cities sa bansa at walang katumbas na mambabatas ay nagtataglay ng mas maraming kasanayan na higit pa sa mga rekisitos sa isang bise presidente. Kaya, sa tiwala at kumpiyansa, magagampanan niya ang tungkuling maglingkod sa mamamayan,” paliwanag pa ni Domingo.
Naniniwala ang KAMMMPi na kapag si Roxas at Belmonte ang nagwagi sa 2016 elections ay isusulong nito ang mga programa para sa kagalingan ng magsasaka tulad ng modernisasyon sa pagsasaka at mga tulong para umangat ang kabuhayan ng agri-sector tulad ng SMARTFarmS (Systematic, Modernized, Appropriate Rural Technologies for Farmers Sustainability) na ginagamit ngayon ni Palawan 3rd District Rep.Douglas S. Hagedorn.