MANILA, Philippines – Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na hindi mahihirapan sa pagboto ang persons with disabilities (PWDs) at mga senior citizen para mas lalo silang mahikayat na magpartisipa sa 2016 national at local elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Luie Tito Ferrer, lalagyan ng special polling precincts na mas accessible para sa mga nakatatanda at may kapansanan gaya ng mga paaralan na mas madaling puntahan.
Subalit sa mga PWDs at matatanda na nais manatili sa dati nilang mga presinto ay bibigyan pa rin ng priority lane at tutulungan ng mga Board of Election Inspectors (BEIs).
Ipupwesto rin aniya ito sa ibaba upang hindi na kailanganin pang umakyat ng mga botanteng PWDs at mga senior citizen.
Ani Ferrer, layunin ng hakbang na maging ‘inclusive’ ang proseso ng eleksyon sa bansa at makapagparehistro at mapaboto ang lahat ng kwalipikadong botante, may kapansanan man sila.
Sinabi ni Guia na tradisyunal na may sektor ng lipunan na hindi naaabot ng electoral process o di kaya’y hirap na bumoto, gaya ng mga PWDs at senior citizens.
Naniniwala sila sa Comelec na hindi ito dapat mangyari kaya’t gumagawa sila ng mga hakbang upang matiyak na magiging mas madali ang pagboto ng mga ito upang mahikayat silang makiisa sa halalan.
Sinabi ni Guia na sa kanilang pagpaparehistro, ang mga PWD at senior citizens ay bibigyang pagkakataon na magpasya kung nais nilang bumoto sa special polling precincts na itinalaga para sa kanila o manatili sa kanilang kasalukuyang mga polling precincts.