Walang Pinoy sa crane crash sa Mecca

MANILA, Philippines – Walang Pinoy na nasaktan o nadamay sa bumagsak na crane sa Grand Mosque sa Mecca, Saudi Arabia.

“As of today, wala naman pong report so far tungkol sa mga Pilipinong nadamay o nasaktan doon sa naging aksidente sa Mecca,” pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte.

Binabantayan din aniya ng Consulate General ang sitwasyon at magbibigay ng tulong sakaling may maiulat na Filipinong nasaktan.

Umabot sa 107 ang patay habang 238 ang sugatan matapos bumagsak ang crane sa bubong ng mosque dahil sa malakas na ulan at sandstorm pasado alas-5:00 Biyernes ng hapon, oras sa Mecca.

Naganap ang insidente kung kailan marami ang nagtitipon sa lugar para sa kanilang Friday prayers, kabilang ang ilang Pilipino.

Nasa kalagitnaan ngayon ng paghahanda ang lungsod ng Mecca, isa sa mga banal na lugar para sa Islam, para sa pagdating ng milyon-milyong Muslim para sa taunang haj pilgrimage.

Nabatid na nasa 5,800 ang kasalukuyang nasa Mecca habang 800 pa ang nasa Medina, isa pang banal na siyudad.

Show comments